Matapos ang higit 14 na taong pagkakabilanggo, opisyal nang nakalabas ng kulungan at ganap nang malaya ang dating Overseas Filipino Worker (OFW) at human trafficking victim na si Mary Jane Veloso nitong Biyernes ng gabi, Setyembre 25.
Ito ay matapos igawad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang absolute pardon kay Veloso nitong Huwebes, Setyembre 24, na tuluyang nagpawalang-bisa sa kaniyang pananagutang kriminal.
Mismong si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. ang nag-abot ng kopya ng absolute pardon at opisyal na release order kay Veloso sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
Ayon sa BuCor, ituturn-over si Veloso sa lokal na pamahalaan ng kaniyang bayan sa Nueva Ecija bilang bahagi ng reintegration program ng gobyerno upang matulungan ang kaniyang pagbabalik sa komunidad.
“Ipinapakita lamang nito na mayroon talagang ikalawang pagkakataon, at masaya kami na maeenjoy na ni Veloso ang kaniyang bagong kalayaan kasama ang kaniyang pamilya,” pahayag ni Catapang.
Matatandaang huling bahagi ng 2010 nang maaresto si Veloso sa Yogyakarta, Indonesia matapos matuklasan ng mga awtoridad ang stashed heroin sa maleta na ibinigay sa kaniya ng kaniyang mga recruiter.
Hinatulan siya ng bitay noong taon ding iyon, ngunit nanindigan si Veloso at ang kaniyang mga abogado mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL) na wala siyang kasalanan at napag-alaman lamang na ginawa siyang drug mule.
Natakda na sanang bitayin si Veloso noong 2015, ngunit nasagip ang kaniyang buhay matapos tumawag sa huling minuto si dating Pangulong Benigno Aquino III sa gobyerno ng Indonesia upang gawin siyang state witness.
Noong huling bahagi ng 2024, pumayag ang pamahalaan ni Indonesian President Prabowo Subianto na ilipat si Veloso sa Pilipinas at binigyan si Pangulong Marcos ng diskresyon na igawad ang kaukulang clemency.
Nakabalik sa bansa si Veloso noong Disyembre 2024 at doon naiditine sa CIW hanggang sa kaniyang paglaya.
Kasalukuyan namang nakakulong ang kaniyang mga recruiter na sina Cristina Sergio at Julius Lacanilao matapos mapatunayang guilty sa kasong illegal recruitment noong 2020.
Nitong Hunyo lamang, personal na tumayo sa witness stand si Veloso upang magtestigo laban sa dalawa para sa kasong human trafficking.
