Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12326 na opisyal na nagtatakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK), ayon sa inihayag ng Malacañang nitong Biyernes, Setyembre 25.
Dahil sa nasabing batas na nilagdaan noong Huwebes, Setyembre 24, naipagpaliban ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula sa orihinal na iskedyul nitong Nobyembre patungo sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028, at tuwing ikalimang taon pagkatapos nito.
Sa ilalim ng RA 12326, itinakda sa hanggang dalawang magkasunod na termino lamang ang pwedeng ipaglingkod ng mga opisyal ng barangay, habang ang mga opisyal naman ng SK ay limitado sa iisang termino lamang.
Ayon sa probisyon ng batas, itinuturing na kumpleto na bilang isang termino ang kasalukuyang limang taong paglilingkod ng mga nakaupong opisyal (incumbents) dahil sa dalawang taong dagdag sa kanilang termino. Dahil dito, ang mga nakaupo na nasa kanilang huling termino na ay hindi na pwedeng tumakbo sa kaparehong posisyon sa darating na Nobyembre 2028 BSKE.
Huling isinagawa ang BSKE noong Nobyembre 2023. Dapat sana itong sundan noong Nobyembre 2025 bago inilipat ng batas noong una sa Nobyembre 2026, hanggang sa pinal na nga itong ipinagpaliban sa 2028.
Mabilis na naipasa sa Senado at Kamara de Representantes ang kani-kanilang bersyon ng panukalang batas para sa limang taong termino noong unang bahagi nitong Setyembre bago tuluyang nilagdaan ng Pangulo.
