Inaprubahan na ng Department of Transportation (DOTr) ang pagtaas ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan o Public Utility Vehicles (PUVs) na opisyal na magsisimula sa Lunes, Setyembre 28.
Inaprubahan ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang rekomendasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na alisin na ang suspensyon sa fare increase na ipinatupad noong Marso 2026.
“Napakapanahon na ipatupad ang pagtaas ng pasahe upang matiyak din na may sapat na PUVs sa mga kalsada at may masasakyan ang ating mga commuter,” ayon kay Lopez.
Sa ilalim ng bagong fare matrix, tataas sa P14 ang minimum fare ng traditional jeepney mula sa dating P13 para sa unang apat na kilometro, na may karagdagang P2.00 sa bawat susunod na kilometro.
Samantala, magiging P17 na ang minimum fare sa mga modern jeepney mula sa dating P15, kasama ang karagdagang P2.40 sa bawat kasunod na kilometro.
Ipinaalala naman ni Lopez sa mga operator at drayber na patuloy na ipatupad ang mandatory 20 porsiyentong diskwento para sa mga estudyante, senior citizens, at Persons with Disabilities (PWDs).
Lilinawin din na kailangang maglabas at magkabit muna ng opisyal na bagong fare matrix sa loob ng mga sasakyan bago magpatupad ng singil sa mga pasahero.
Ayon sa DOTr, isinagawa ang konsultasyon sa mga transport group bago tuluyang inaprubahan ang pagtataas ng pasahe.
“Kailangan talaga nating magkaroon ng balanse sa bawat desisyong ginagawa ng ahensya. Kayo ang aming pangunahing prayoridad sa lahat ng programang ipinatutupad sa DOTr,” dagdag ng kalihim.
Lumalabas ang pinal na desisyon sa pasahe kasabay ng inanunsyong tatlong araw na transport strike ng ilang grupo ng PUV simula Setyembre 28 hanggang Setyembre 30.
