Photo: QCPD
Arestado ang limang indibidwal matapos ikasa ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang entrapment operation laban sa diumano’y ilegal na pagbebenta ng produktong petrolyo sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi, Setyembre 24.
Kabilang sa mga nadakip ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa pamumuno ni PMaj. Judge Rowe Donato ang mga suspek na kinilalang sina alyas “Dan,” 28; alyas “Joy,” 49; alyas “Peter,” 36; alyas “Andro,” 28; at alyas “Ren,” 32.
Ayon sa ulat ni QCPD Acting District Director PBGen. Christopher Olazo, isinagawa ang operasyon bandang alas-7:00 ng gabi sa kahabaan ng Calamba Street, Barangay Sto. Domingo matapos makatanggap ang pulisya ng mga ulat hinggil sa talamak na bentahan ng petrolyo sa nasabing lugar.
Nakorner ang mga suspek matapos silang direktang bilihan ng nagpanggap na buyer na pulis.
Nakuha mula sa mga suspek ang P3,500 na boodle money, P5,000 na halaga ng benta, dalawang 30-gallon na lalagyan ng petrolyo, iba’t ibang drum at lalagyan na naglalaman din ng produktong petrolyo, mga hose, dalawang susi ng truck, isang white Mitsubishi L300, at isang white Isuzu six-wheeler closed van.
Nakatakdang iharap ang mga suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office para sa kasong paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865 (Illegal Trading of Petroleum and/or Petroleum Products).
“Prioridad natin ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng pagtugon sa mga ilegal na aktibidad na nagdudulot ng panganib sa komunidad. Patuloy na makikipag-ugnayan ang QCPD sa mga kaugnay na yunit upang tiyaking mapapanagot ang mga lumalabag sa batas,” pahayag ni PBGen. Olazo.
