May 15, 2024

Pera, motor tinangay | RIDER UTAS SA TANDEM SA VALENZUELA

NASAWI ang isang rider matapos barilin ng hindi kilalang riding-in-tandem criminal at tinangay pa ang kanyang motorsiklo at dalang pera sa Valenzuela City.

Dead on the spot sanhi ng tinamong tama ng bala mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa likod ang biktima na kinilala sa Luigi Hernando, nasa hustong gulang.

Sa kuha ng CCTV camera, makikitang binabagtas ng biktima ang kahabaan ng Paso De Blas Road, Brgy. Paso De Blas sakay ng kanyang minamaehong motorsiklo nang mula sa likod ay binaril siya ng malapitan ng nakaangkas sa isang motorsiklo na sumusunod sa kanya.

Pagbagsak ng biktima, kaagad bumaba ang mga suspek sa sinasakyan nilang motorsiklo at kinuha ng isa ang bag ng biktima na naglalaman ng hindi pa mabatid na halaga ng salapi habang sinakyan naman ng isa pa ang motorsiklo ni Hernando bago mabilis na nagsitakas.

https://www.facebook.com/100000700610504/videos/3676482629051721/

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, galing umano ng bangko ang biktima at nag-withdraw ng pera na posibleng natunugan ng mga suspek.

Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek.