Bitbit ang positibong pananaw, handa na ang PBA Season 50 No. 1 overall pick na si Geo Chiu na magpasiklab sa kanyang kauna-unahang conference sa Philippine Basketball Association (PBA).
Nakatakdang mag-debut ang dating Ateneo big man para sa Terrafirma Dyip sa darating na Commissioner’s Cup matapos ang matagumpay niyang kampanya sa MPBL kung saan pinangunahan niya ang Abra Weavers sa kanilang kauna-unahang kampeonato.
Sa kabila ng pagiging “cellar-dweller” o madalas na nasa ilalim ng standings ng Terrafirma, hindi ito nakababawas sa kumpiyansa ni Chiu.
Ayon sa 6-foot-10 center, ineenjoy niya ang pagkakataon at nakikita niya ang sitwasyon ng koponan bilang isang hamon para sa improvement.
Binigyang-diin niya na hindi sila nagmamadali at nakatutok lamang sa “one game at a time” na paghahanda upang tuluyang mabura ang stigma na laging nasa kulelat ang kanilang koponan.
Bilang bahagi ng kanyang paghahanda, sumalang na ang 6-foot-10 na si Chiu sa dalawang tune-up games kung saan agad siyang nasubok laban sa malalaking pangalan sa liga.
Nakatapat niya sina Justine Baltazar at Justin Arana sa laro kontra Converge, habang nitong Sabado naman ay hinarap niya sina Beau Belga at import Jaylen Johnson sa kanilang match-up laban sa Rain or Shine.
Bagaman naging maayos ang kanyang ipinamalas sa mga nasabing laro, inamin ni Chiu na patunay ito na marami pa siyang kailangang trabahuhin at pagbutihin sa kanyang laro.
Aminado si Chiu na mas malaki ang inaasahang papel niya sa Dyip kumpara sa kanyang mga naging nakaraang team.
Gayunpaman, malinaw sa kanya na ang prayoridad niya ay ang depensa at pagkuha ng rebounds, habang bonus na lamang ang kanyang opensa.
Nagpasalamat din siya sa suporta ng mga coaches ng Terrafirma na tumutulong sa kanya upang mabago ang kanyang mindset at mapataas ang kanyang kumpiyansa para sa mas malaking responsibilidad na ito. (RON TOLENTINO)
