Sa kulturang Pilipino, malalim ang ugat ng utang na loob, paggalang sa magulang, at pananagutang moral ng anak sa mga nagpalaki sa kanila. Ngunit kailan ba nagiging labis ang “pagbabayad” ng utang na loob? At kailan ito nagiging pagkakautang na walang katapusan?
Itinulak muli sa pambansang diskurso ang katanungang ito matapos ang pag-file ni Senador Ping Lacson ng Parents Welfare Act of 2025—isang panukalang batas na layong parusahan ang mga anak na hindi nagsusustento sa kanilang matanda, may sakit, o baldadong magulang. Para sa ilan, ito’y makataong pagsasaayos ng responsibilidad; para sa iba, ito’y isang mapanlikhang paraan upang gawing legal ang pagtrato sa anak bilang retirement plan.
Maraming kabataan ngayon ang lumaki sa kaisipan na ang kanilang tagumpay ay sukatan ng kabayaran sa sakripisyo ng magulang. Ngunit kung ang pagmamahal at suporta ay may kasamang resibo at tubo, ito ba ay tunay pa ring pag-aaruga?
Walang masama sa paghangad ng suporta mula sa anak, lalo’t kung ito’y kusang-loob at nagmumula sa pagmamahal. Pero kung ito’y isinasabatas at ginagawang obligasyon—paano na ang mga anak na hindi lumaking ligtas, minahal, o tinustusan ng sapat? Paano ang mga anak na may sarili na ring pamilya at kinabukasang kailangang paghandaan?
Ang pagiging magulang ay hindi puhunan na kailangang may balik. Ito’y isang tungkulin na dapat inako nang may buong-loob, hindi may kasamang ROI o return on investment. Ang anak ay hindi insurance policy o tagapagligtas ng panibagong henerasyon mula sa kahirapan.
Napakaraming Pilipino ang nagkakaroon ng burnout, anxiety, at mababang pagtingin sa sarili dahil sa pressure na “magtagumpay” hindi para sa sarili, kundi para sa buong pamilya. Ito ang anak na inuuna ang remittance bago ang sarili. Ang anak na nagkakasakit ngunit patuloy pa ring nagtatrabaho. Ang anak na natuto nang hindi humiling, sapagkat ang mahalin ang sarili ay isang luho.
Hindi ito usapin ng pagiging “walang utang na loob.” Ang tunay na loob ay nagmumula sa kusang-loob, hindi sa guilt trip o emosyonal na pagmamanipula.
Ang panukalang batas na ito ay sintomas ng mas malaking problema: ang kakulangan ng sapat na social safety nets para sa mga matatanda. Imbes na ipaako sa mga anak ang kabuuang responsibilidad, dapat tayong magtanong: Nasaan ang maayos na pensyon? Nasaan ang abot-kayang healthcare? Nasaan ang suporta ng gobyerno sa mga retirees?
Kung itutulak ng batas ang obligasyon sa anak, para bang sinasabi nitong wala nang pananagutan ang estado.
Hindi natin tinatanggihan ang halaga ng utang na loob, ngunit ito’y dapat bigyang-kahulugan muli—hindi bilang paniningil, kundi bilang paalalang magmalasakit, hindi magparusa.
Sa halip na pairalin ang guilt-based family culture, itaguyod natin ang grace-based love—kung saan ang anak ay tinuturuang magmahal, hindi mapagod; magbigay, hindi mapilitan; at umunlad, hindi mabaon sa utang ng damdamin.
Ang pagmamahal ay hindi nasusukat sa padala kada buwan, o sa halaga ng balik. Ito ay nasusukat sa pagiging bukas-palad, sa paggalang sa kapwa bilang tao—magulang man o anak.
Kung tunay nating mahal ang ating pamilya, dapat tayong matutong magmahal nang walang kapalit. Dahil sa bandang huli, ang pinaka-matibay na pamilya ay yaong pinagbubuklod ng pagmamahal, hindi ng utang.
