PINANGUNAHAN ng Manila Electric Company (Meralco), na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan, ang adbokasiya sa pagbubuo ng mahuhusay na lokal workforce na mahalaga para sa pag-unlad ng future-ready distribution system sa bansa.
Sa ginanap na Inquirer Campus Talks na may temang “Skilling the Workforce for the Future of the Power Industry,” binigyang-diin ni Meralco First Vice President at Head of Networks Froilan J. Savet ang kahalagahan ng paghahanda para sa mas matalino, mas malinis, at mas ligtas na enerhiya.
Ipinakita ni Savet ang pagbabago ng energy grid, mula tradisyonal patungo sa smart grid gamit ang sensors, smart meters at artificial intelligence; mula centralized patungong distributed sa pamamagitan ng solar rooftops, microgrids at community batteries; at mula passive patungong interactive kung saan ang mga konsumer ay nagiging “prosumers.”
Sa harap ng pag-usbong ng renewable energy, electric vehicles, at teknolohiya gaya ng Small Modular Reactors (SMRs), iginiit ni Savet ang pangangailangang maghanda ng workforce na may kombinasyon ng technical at soft skills.
Kabilang sa mga hakbang ng Meralco ang pagpapadala ng mga empleyado sa advanced degrees at professional licenses, pagsasanay sa higit 180 katao sa data analytics at coding, pakikipag-benchmark sa global utilities, at pagpapatakbo ng PowerTech Smart Grid Lab.
Bukod dito, inilunsad ng Meralco Power Academy (MPA) ang Filipino Scholars and Interns on Nuclear Engineering (FISSION) Program na nagpapadala ng mga iskolar abroad upang maging susunod na henerasyon ng mga innovator sa nuclear energy.
“A career in the power sector is not just a job. It’s a mission to change lives. This is the kind of work that builds not just careers—but a nation,” ani Savet.
Nilahukan ng mga estudyante at young professionals ang Campus Talks upang pag-usapan ang mabilis na pagbabago sa industriya ng kuryente at ang mahalagang papel ng kabataan sa paghubog ng kinabukasan nito.
Ang pakikilahok ng Meralco ay bahagi ng mas malawak nitong misyon na magbigay-inspirasyon at mag-empower sa susunod na henerasyon ng energy leaders habang tinatahak ng Pilipinas ang landas tungo sa mas malinis at matatag na enerhiya. (MINA PADERNA)
