NASABAT ng Bureau of Customs (BOC)-NAIA ang nasa 151,334 gramo ng hinihinalang high-grade marijuana o “Kush” na nagkakahalaga ng P227 milyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Setyembre 7, 2025, ang pinakamalaking kush apprehension sa kasaysayan ng BOC-NAIA.
Natuklasan ang iligal na droga sa anim na checked-in baggage ng dalawang Pilipinong pasahero mula Bangkok, Thailand, sakay ng Cebu Pacific Flight 53932. Sa isinagawang routine profiling at x-ray screening, lumabas ang kahina-hinalang imahe na nag-udyok sa 100% physical inspection. Dito nadiskubre ang maraming transparent packs na naglalaman ng Kush.
Kinumpirma ng PDEA K9 units ang presensya ng iligal na droga. Inaresto ang mga suspek dahil sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at ipinaalam sa kanila ang kanilang mga karapatan.
Isinagawa ang imbentaryo na nagpatunay sa kabuuang bigat at halaga ng nakumpiska, bago ito at ang mga suspek ay itinurn-over sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa imbestigasyon.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, malinaw na tagumpay ito laban sa sindikato ng droga.
“This significant interception highlights our intensified efforts to combat drug trafficking and secure our borders. The Bureau of Customs will remain vigilant and steadfast in preventing illegal drugs from entering the country,” aniya.
Dagdag pa ni District Collector Alexandra Y. Lumontad, naging susi ang mahigpit na pagpapatupad at inter-agency collaboration.
“This accomplishment demonstrates the importance of strict enforcement measures and strong inter-agency collaboration. BOC-NAIA remains committed to ensuring that our airports are not exploited by drug syndicates,” paliwanag niya.
Ang operasyon ay naisakatuparan sa tulong ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), at itinuturing na malaking hakbang sa pagpapatatag ng border security at paglaban sa ilegal na droga, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (MINA PADERNA)
