Tahakang tinanggihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga mungkahi na ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan sa kabila ng tumitinding tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mabilis at pinal ang naging tugon ng Pangulo nang ilapit sa kanya ang usapin kasunod ng panawagan ng ilang mambabatas na gumawa ng mas matapang na aksyon laban sa dayuhang diplomat.
Binigyang-diin ni Castro na hindi pa man niya natatapos ang kanyang tanong ay agad nang nagbigay ng matigas na “hindi” ang Chief Executive, na nagpapakita ng kanyang malinaw na pagtutol sa naturang proposal.
Sa kabila ng paninindigan ng Malacañang, nagdesisyon naman ang lokal na pamahalaan ng Kalayaan sa Palawan na ideklarang persona non grata ang ambassador sa loob ng kanilang nasasakupan sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Vice Mayor Maurice Philip Alexis Albayda na ang hakbang na ito ay tugon sa mga naging pahayag at aksyon ng embahada ng China na itinuturing nilang pambabastos sa soberanya ng bansa.
Ayon sa bise alkalde, nakatakda nilang ipadala ang kopya ng deklarasyong ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) bilang opisyal na rekord ng kanilang pagtutol sa presensya ng diplomat sa kanilang bayan.
Nag-ugat ang bagong serye ng tensyon matapos batikusin ng Chinese Embassy ang ilang opisyal ng Pilipinas, kabilang si PCG Commodore Jay Tarriela, dahil sa kanilang mga pahayag laban sa harassment ng China sa mga sasakyang pandagat at mangingisdang Pilipino.
Bilang tugon sa mainit na diskurso, nagpaalala ang DFA na ang pagdedeklara ng isang diplomat bilang persona non grata ay isang napakaseryosong hakbang na dapat gamitin lamang bilang huling opsyon.
Nagbabala ang kagawaran na ang ganitong aksyon ay maaaring magdulot ng mga ganting hakbang mula sa Beijing na posibleng makaapekto sa mas malawak na interes at seguridad ng Pilipinas.
