Kinumpirma ni Bise Presidente Sara Duterte na walang balak palitan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kasalukuyang legal team sa harap ng kinakaharap nitong kaso sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang ambush interview dito sa Netherlands nitong Enero 29, ibinahagi ng Bise Presidente na tinanong niya ang kanyang ama kung nais nitong magpalit ng mga abogado. Ito ay matapos ibasura ng ICC Pre-Trial Chamber I ang hiling ng depensa na itigil nang walang takdang panahon ang mga pagdinig dahil sa umano’y cognitive impairment o paghina ng isip ng dating lider.
Ayon kay VP Sara, direktang sinabi ng dating pangulo na hindi papalitan ang grupo ni Atty. Nicholas Kaufman, bagama’t may mga partikular na instruksyon itong ibinigay sa mga abogado para sa susunod na hakbang ng kaso. Hindi naman idetalye ng Bise Presidente kung ano ang mga nasabing tagubilin.
Inamin din ni VP Sara na inaasahan nilang magtatagal pa ng higit sa isang taon ang pananatili ng kanyang ama sa ICC detention facility. Matatandaang noong nakaraang Lunes, Enero 26, idineklara ng mga hukom ng ICC na “fit to stand trial” o sapat ang kalusugan ng dating pangulo para humarap sa paglilitis, taliwas sa iginigiit ng kanyang mga abogado.
Dahil dito, nakatakda ang confirmation of charges hearing sa darating na Pebrero 23, 2026, kung saan tutukuyin ng korte kung sapat ang ebidensya upang tuluyang iakyat sa trial ang kaso ng crimes against humanity kaugnay ng drug war.
Ang desisyong panatilihin ang legal team ay kasunod din ng mga obserbasyon mula sa ilang taga-suporta ng mga Duterte na nagpahayag ng pagkabahala sa performance ng mga abogado. Sa kabila nito, nananatili ang tiwala ng dating pangulo sa kanyang kasalukuyang mga tagapagtanggol habang inihahanda ang apela laban sa naging ruling ng korte.
Sa kasalukuyan, nananatili ang dating pangulo sa kustodiya ng ICC simula nang madakip noong Marso 2025. (Limuel Tolentino)
