Hindi palalagpasin ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga alegasyon na may ilang volunteer firefighters na nagnakaw ng mga bote ng alak mula sa isang supermarket na nasunog sa Barangay Pasong Putik, North Fairview, Quezon City noong madaling araw ng Miyerkules, Enero 28.
Sumiklab ang apoy bandang 4:44 ng umaga at mabilis na umakyat sa ikalimang alarma bago tuluyang idineklarang “under control” pagsapit ng 8:01 ng umaga.
Ayon kay BFP Spokesperson Fire Superintendent Anthony Arroyo, nakatanggap sila ng ulat na habang abala ang mga responder sa pag-apula ng apoy at pagsasagawa ng post-incident mapping ay may ilang volunteers na umano’y kumuha ng mga bote ng alkohol mula sa naturang establisyimento.
Gayunpaman, niliwanag ni Arroyo na sa kasalukuyan ay wala pang indikasyon na mga opisyal na tauhan ng BFP ang nasabing mga sangkot sa insidente.
Umabot sa 30 grupo ng volunteer firefighters ang tumugon sa sunog, at lahat ng posibleng indibidwal na sangkot ay kasalukuyan nang isinasailalim sa beripikasyon upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan at ang kinabibilangan nilang organisasyon.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi tumutugma ang suot na Personal Protective Equipment (PPE) ng mga nasa video sa standard-issue gear na ginagamit ng kanilang mga bumbero.
Nagbabala ang BFP na kung mapatunayang totoo ang mga akusasyon, mahaharap ang mga sangkot na volunteers sa mga kaukulang kasong kriminal at kagyat na babawiin ang kanilang mga certificate of competency.
Maging si DILG Secretary Jonvic Remulla ay nagpahayag ng galit at nanindigan na dapat sampahan ng kaso at sibakin ang mga mapapatunayang nagkasala.
Muling ipinaalala ng kawanihan sa lahat ng mga responder na mahalagang panatilihin ang disiplina at integridad sa gitna ng bawat operasyon, lalo na sa mga panahon ng sakuna kung saan ang pangunahing layunin ay ang magligtas ng buhay at ari-arian ng publiko.
