ANTIPOLO CITY —Isang 54-anyos na Pakistani national ang nasawi matapos masagasaan ng isang mabilis na Honda Click motorcycle sa westbound lane ng Marcos Highway, tapat ng Burger King sa Barangay Mayamot, nitong Lunes, Nobyembre 17, 2025, bandang 5:15 AM.
Batay sa imbestigasyon ng Antipolo City Comprehensive Crime Prevention and Safety (CCPS), kakagaling lamang ng biktima—kinilalang si alias Hamayoon F. Rana, residente ng Sitio Elaved, Barangay San Jose—sa loob ng Burger King matapos mag-kape.
Tumawid umano ito sa highway, at pagsapit sa ika-apat na lane ng westbound side ay nasalpok ng paparating na motorsiklo na tumatakbo nang mabilis.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang biktima na agad nitong ikinasawi.
Samantala, ang 20-anyos na rider na kinilalang alias John, residente ng Barangay Bagong Nayon, ay isinugod sa pinakamalapit na ospital para sa agarang gamutan.
Patuloy ang imbestigasyon ng Antipolo CCPS upang matukoy ang eksaktong bilis ng motorsiklong sangkot at kung may pananagutan ang rider sa insidente. (Arnold Pajaron Jr)
