CAINTA, Rizal — Nagkasa ng malawakang seguridad ang Cainta Municipal Police Station matapos ang umano’y bomb threat na natanggap ng ilang guro ng Felix High School Annex sa Karangalan Village, Barangay San Isidro, nitong Lunes, Nobyembre 17, 2025.
Ayon sa paunang ulat, dakong 3:11 PM hanggang 3:20 PM habang nasa kani-kanilang klase ang mga guro, nakatanggap sila ng magkakaparehong mensahe sa kanilang Facebook Messenger mula sa isang account na nagngangalang “Muhammad Akbar.”
Nakasaad sa mensahe ang umano’y presensya ng nakatanim na bomba sa paaralan na “sasabog anumang oras ngayon araw,” kalakip ang banta na “walang makakaligtas.”
Iginiit pa ng nagpapakilalang suspek na ang motibo umano ay pambu-bully sa kanyang anak.
“Malalaman ninyo ang epekto ng aking galit… Binully nila ang aking anak kaya kailangan na nila pagbayaran ang nangyari,” mababasa sa chat.
Agad itong iniulat ng mga guro sa kanilang school principal na si Raul Chua, na tumawag naman ng tulong mula sa Cainta MPS para sa agarang aksyon at seguridad sa lugar.
Kaagad na rumesponde ang Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit na pinamunuan ni PLT Rudy O. Saballero upang magsagawa ng paneling at masusing pagsusuri sa loob at paligid ng paaralan. Sa ngayon, wala pang napaulat na natagpuang eksplosibo.
Inihahanda na rin ng pulisya ang kahilingan para sa teknikal na tulong mula sa Rizal Anti-Cybercrime Unit upang siyasatin ang Messenger accounts ng mga complainant at matukoy ang posibleng pagkakakilanlan ng nagpadala ng banta.
Patuloy ang imbestigasyon ng Cainta MPS at tinutukoy sa ngayon ang suspek na may alias na “Muhammad.”
