Selyado ng Navotas City Police Station ang kampanya nito laban sa talamak na “paihi” o ilegal na operasyon ng petrolyo matapos malambat ang apat na suspek na aktong naglilipat ng krudo mula sa dalawang bangka patungo sa isang tanker truck nitong Huwebes ng umaga, Hulyo 2, 2026.
Inaresto ang apat na hindi muna pinangalanang indibidwal dahil sa hayagang paglabag sa Section 2 ng Presidential Decree No. 1865 (Illegal Trading of Petroleum Products).
Naganap ang insidente sa kahabaan ng Kanduli Street, Barangay NBBS Dagat‑Dagatan sa Navotas City.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-6:30 ng umaga nang mamataan ng mga nagpapatrolyang tauhan ng Navotas Police ang kahina-hinalang aktibidad ng mga suspek.
Aktibo umanong sinisipsip ng apat ang hindi pa mabatid na dami ng langis mula sa dalawang magkahiwalay na bangka upang isalin sa nakaparadang tanker truck.
Nang hingan ng mga awtoridad ng kaukulang permiso, lisensya, o anumang legal na dokumento para sa pagbibiyahe at paghawak ng petrolyo, walang maipakita ang mga suspek na nagpapatunay na ilegal ang kanilang gawain.
Agad na kinumpiska ng mga rumespondeng pulis ang isang tanker truck na kargado na ng tinatayang 3,000 litrong petrolyo.
BASAHIN: Crime rate sa CAMANAVA, pinakamababa sa Metro Manila
Bukod sa truck, binitbit din ng mga awtoridad ang dalawang bangka na ginamit sa transaksiyon, isang mahabang suction hose na may sukat na 50 metro, at dalawang generator pump na nagsisilbing pangsipsip ng langis.
Kasalukuyan nang nakapiit ang mga suspek sa Navotas City Police Station habang inihahanda ang mga kaukulang reklamo para sa pagsasailalim sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor.
Pinuri naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director PMGen. Anthony A. Aberin ang mabilis na aksyon ng mga nagpapatrolyang pulis na nakasabat sa krimen.
“Mabilis at walang pag-aalinlangang kumilos ang ating mga patrol officers—ganito dapat rumesponde ang kapulisan laban sa mga kriminal na sumisira sa ating mga industriya. Hindi papayagan ng NCRPO ang mga ilegal na operasyon ng krudo o anumang pakana na naglalagay sa panganib sa ating mga mamamayan. Tutugisin at gigibain natin ang mga aktibidad na ito saanman sila magtago,” babala ni PMGen. Aberin.
