Photo: SPD
Rehas na bakal ang kinasadlakan ng isang 39-anyos na Korean national matapos arestuhin dahil sa pananakit sa kanyang 24-anyos na asawang Pilipina sa loob ng kanilang bahay sa BF Resort Village (BFRV), Barangay Talon Dos sa Las Piñas City.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o ang Anti-Violence against Women and Their Children Act of 2004 ang suspek, na nasa ilalim na ng kustodiya ng Las Piñas City Police Sub-station 4.
Ang mabilis na pagsagip sa biktima at pag-aresto sa nasabing dayuhan ay pinangasiwaan sa ilalim ng pamumuno ni PCol. Fermin D. Armendarez III, Chief of Police ng Las Piñas City Police Station.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-9:30 ng umaga nitong Huwebes, Hulyo 2, 2026. Nagsimula umano ang gulo nang madiskubre ng misis sa cellphone ng kanyang asawa ang isang video kung saan may kasama itong ibang babae sa loob ng isang hotel.
Sa halip na magpaliwanag, nagwala umano sa galit ang suspek nang komprontahin ng biktima. Sinampal niya sa mukha ang asawa at hinawakan ng mahigpit ang kaliwang braso nito na nag-iwan ng mga pasa.
BASAHIN: ‘Paihi’ nabulilyaso sa Navotas, 4 tiklo
Nung sinubukan ng biktima na tumakbo para makatakas sa pananakit, hinabol siya nung suspek at paulit-ulit na pinalo sa ulo gamit ang cell phone
Isang concerned citizen na nakasaksi sa pangyayari na agad humingi ng tulong sa mga awtoridad. Mabilis namang rumesponde ang mga barangay tanod ng Talon Dos kaya naawat ang pananakit at agad na pinaligiran at inaresto ang dayuhan.
Bago ipiniit sa Sub-station 4, dinala muna ang dayuhan sa Las Piñas District Hospital para sa mandatory physical examination. Ang kaso ay itinurnover sa Women and Children Protection Desk (WCPD) bandang alas-2:30 ng hapon para sa inquest proceedings sa City Prosecutor’s Office.
Mariing nagbabala si Southern Police District (SPD) District Director PBGen. Glenn Oliver C. Cinco na walang sinasanto ang batas ng Pilipinas, dayuhan man o lokal na mamamayan.
“Ang karahasan laban sa kababaihan ay isang seryosong krimen, at ang pagiging mamamayan ng ibang bansa o nasyonalidad ay hindi panangga para takasan ang ating mga batas penal. Ang mabilis na pag-aksyon ng ating mga barangay watchmen at ng WCPD ay patunay sa halaga ng tulong ng komunidad para maprotektahan ang mga biktima,” pahayag ni PBGen. Cinco. (RON MAKISIG)
