Himas-rehas ngayon ang isang 28-anyos na kasambahay matapos arestuhin sa kasong Qualified Theft dahil sa pagnanakaw umano ng mga mamahaling alahas na nagkakahalaga ng P3.98 milyon mula sa kanyang amo sa Barangay Ugong Norte sa lungsod na ito.
Sa opisyal na ulat ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Randy Glenn Silvio, kinilala ang suspek sa alias na “Mary Ann,” habang ang biktima naman ay isang 73-anyos na businesswoman.
Batay sa imbestigasyon ng Eastwood Police Station (PS 12) sa ilalim ng pamumuno ni PLtCol. Maria Rosario Calusor, naganap ang pagkakadiskubre sa krimen bandang alas-5:30 ng hapon noong Miyerkules, Hulyo 1, 2026.
Nag-aayos umano ng kanyang mga personal na gamit ang biktima nang mapansin nitong nakabukas ang kanyang jewelry box. Nang suriin, laking gulat ng negosyante nang matuklasang nawawala ang iba’t ibang piraso ng alahas na may kabuuang halaga na P3,980,000.00.
Agad na kinompronta ng biktima ang kasambahay hinggil sa nawawalang mga ari-arian. Sa gitna ng pagtatanong, hindi na nakapalag ang suspek at umamin na siya ang kumuha ng mga alahas.
BASAHIN: Crime rate sa CAMANAVA, pinakamababa sa Metro Manila
Dahil dito, mabilis na humingi ng saklolo ang amo sa mga security personnel ng kanilang subdivision.
Agad namang rumesponde ang mga guwardiya, binitbit ang suspek, at pormal na itinurnover sa mga awtoridad ng PS 12 para sa kaukulang imbestigasyon.
Lumalabas sa karagdagang pagsisiyasat ng mga pulis na magtatatlong buwan pa lamang na naninilbihan ang suspek bilang household helper ng biktima.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong Qualified Theft laban kay “Mary Ann” para sa pagsasailalim sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Samantala, nag-iwan naman ng paalala si PBGen. Silvio sa publiko na maging mapanuri sa mga kinukuha nilang katulong sa bahay upang maiwasan ang ganitong mga insidente.
“Ang insidenteng ito ay paalala sa publiko na maging maingat sa pagtanggap ng mga kasambahay. Ugaliing beripikahin ang kanilang pagkakakilanlan at mga reference bago sila tanggapin sa trabaho. Makaaasa ang publiko na patuloy na kikilos ang QCPD nang mabilis at naaayon sa batas laban sa sinumang sangkot sa mga krimen,” pahayag ni Silvio.
