Pinag-aaralan na ngayon ng Senado ang posibilidad ng pagsuspinde o pagpigil sa sahod ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos ang sunod-sunod na pagliban nito sa mga sesyon simula pa noong Nobyembre 10, 2025.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, natalakay na nila ang usaping ito kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, bagaman tumanggi muna itong magbigay ng mga partikular na detalye ng kanilang pag-uusap.
Ipinaliwanag ni Lacson na isa sa mga mungkahi ay ang tuluyang pagpapatigil sa suweldo ng senador bilang parusa sa hindi nito pagdalo sa mga tungkulin sa mataas na kapulungan.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Lacson na kailangang suriing mabuti ang legalidad nito dahil ang mga mambabatas ay sakop ng civil service law, bagaman may sariling internal rules ang Senado na maaari ring gamiting batayan sa pagpataw ng disiplina.
Inaasahang dadalhin ang isyung ito sa Senate Ethics Committee para sa pormal na deliberasyon.
Ayon kay Lacson, ang anumang aksyong administratibo ay nakadepende rin kung magkakaroon ng pormal na reklamo na ihahain laban sa senador.
Kaugnay nito, isiniwalat ni Lacson na nakipagpulong sa kanila ni Sotto si dating Senador Antonio Trillanes IV nitong Martes.
Inihayag umano ni Trillanes ang kanyang planong maghain ng pormal na ethics complaint laban kay Dela Rosa sa darating na Marso, na inaasahang magpapabilis sa proseso ng imbestigasyon ng komite hinggil sa pananagutan ng senador.
