Mananatili sa loob ng piitan ng Senado ang kontrobersyal na contractor na si Curlee Discaya matapos ibasura ng korte ang kanyang petisyon na pawalang-bisa ang contempt at detention orders ng mataas na kapulungan.
Sa 22-pahinang desisyon na may petsang Pebrero 23, Lunes, tinanggihan ng Pasay City Regional Trial Court Branch 297 ang petition for certiorari ni Discaya dahil sa kawalan ng merito.
Ayon sa desisyong nilagdaan ni Presiding Judge Ronald August Tan, nabigo si Discaya na patunayan na mayroong “grave abuse of discretion” sa panig ng Senado. Binigyang-diin ng korte na ang mga respondent—kabilang ang Senado, Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, at si Senate President Vicente “Tito” Sotto III—ay kumilos nang naaayon sa kanilang awtoridad sa ilalim ng Konstitusyon.
“Ang Blue Ribbon Committee ay may likas na kapangyarihan… na i-cite sa contempt ang isang resource person para sa mapang-abusong gawi—kabilang ang pagbibigay ng mali o mailap na testimonya,” saad sa kautusan ng korte.
Matatandaang ipina-contempt at ipinakulong ng Senado si Discaya noong nakaraang Setyembre matapos itong magsinungaling sa komite.
Sinabi ni Discaya na hindi makadalo ang kanyang asawang si Sarah Discaya dahil sa medikal na kondisyon, ngunit taliwas ito sa liham ng asawa na nagsasabing mayroon siyang dinaluhang employee meeting.
Si Sarah Discaya ay kasalukuyan ding nakadetine sa Lapu-Lapu City Jail dahil sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng mga hinihinalang “ghost flood control projects” sa Davao Occidental.
Bagaman pinagtibay ang pagkakakulong, pinaalalahanan ng korte ang Senado na hindi dapat maging permanente ang detensyon. Dapat umanong matapos ito kapag konklusyon na ng legislative inquiry o sa pagtatapos ng ika-20 Kongreso. Hinimok din ng korte ang komite na aksyunan na ang nakabinbing motion for reconsideration ni Discaya.
