Pormal nang sinimulan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso nitong Lunes ang proseso ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte matapos i-refer sa House Committee on Justice ang apat na magkakahiwalay na reklamo.
Ito na ang ikalawang sunod na taon na may inihain na reklamo laban sa Bise Presidente, at dahil sa hakbang na ito, hindi na maaaring maghain ng panibagong impeachment complaint laban sa kanya sa loob ng susunod na isang taon.
Ang unang reklamo ay nagmula sa koalisyong Makabayan noong Pebrero 2, 2026, na sinundan sa parehong araw ng grupong Tindig Pilipinas, habang ang ikatlo at ikaapat na reklamo ay inihain ng mga religious groups at ni Atty. Nathaniel Cabrera nitong Pebrero 9 at 18.
Kabilang sa mga mabibigat na akusasyong ipinupukol sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ay ang pagtataksil sa tiwala ng bayan, culpable violation of the Constitution, at graft and corruption.
Sentro ng mga reklamo ang alegasyon ng maling paggamit at malversation ng confidential funds na nagkakahalaga ng higit P600 milyon noong siya ay nasa Office of the Vice President at Department of Education.
Ayon sa mga nagrereklamo, nag-utos umano ang Bise Presidente ng paggawa ng mga pekeng accomplishment reports at liquidation documents na isinumite sa Commission on Audit upang bigyang-matwid ang paggastos sa nasabing pondo. Bukod sa isyu ng pera, idinamit din sa mga reklamo ang ginawang pag-amin ni Duterte sa isang broadcast tungkol sa pagkuha ng assassin para patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Kasama rin sa mga paratang ang hindi pagdedeklara ng lahat ng kanyang ari-arian sa SALN, ang pamimigay umano ng monetary gifts sa mga opisyal ng DepEd, at ang mga alegasyon ng pagkakasangkot sa extrajudicial killings ng Davao Death Squad noong siya pa ang alkalde ng Davao City.
Isang bagong elemento sa mga reklamo ngayong taon ay ang testimonya ng intelligence operative na si Ramil Madriaga na nagdetalye sa pagbibiyahe umano ng malalaking halaga ng pera at confidential information sa ilalim ng utos ng Bise Presidente mula 2022 hanggang 2023.
Bagaman kinuwestiyon ang kredibilidad ni Madriaga, naninindigan ang mga complainant tulad ni Atty. Amando Virgil Ligutan na mananatiling matatag ang kaso kahit wala ang kanyang affidavit dahil sa mga sertipikasyon mula sa Philippine Statistics Authority na nagpapatunay na hindi umiiral ang mga pangalang isinumite bilang benepisyaryo ng pondo.
Siniguro naman ni House Minority Leader Leila de Lima na sasalain at susuriin nang husto ang kredibilidad ng mga saksi at dokumento sa loob ng mga pagdinig sa komite o sa posibleng impeachment trial sa Senado upang matiyak kung tunay na nilabag ng Bise Presidente ang kanyang sinumpaang tungkulin.
