HINDI raw totoo ang kumakalat na alegasyon mula sa kampo ng mga Duterte na umano’y hinimatay at nakaranas ng cognitive decline si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay dating Senator Antonio Trillanes IV, pawang gawa-gawa o “imbento” lang ito ng mga anak ng dating pangulo.
Base sa nakalap niyang impormasyon sa kanyang kamakailang pagbisita sa Netherlands, kung saan naroon si Duterte kaugnay ng mga kasong kinakaharap sa International Criminal Court (ICC), walang nangyaring insidente na hinimatay o nawalan ng malay ang dating pangulo.
“When I was there, base sa nakalap kong impormasyon, walang nangyaring insidente na hinimatay si Digong. ’Yung sinasabe ni Sara na hinimatay, unconscious tatlong beses, walang ganun,” pahayag ni Trillanes.
Dagdag pa niya, mismong asawa ng dating pangulo, si Elizabeth Zimmerman, ang nagsabing maayos ang kalagayan ni Duterte.
“In fact, even the wife, Mrs. Zimmerman, sinasabi niya walang ganun, okay ang asawa niya,” ani Trillanes.
Giit pa ng dating senador, walang katotohanan ang mga sinasabing problema sa kalusugan ni Duterte at itinuring niya itong bahagi ng politically motivated misinformation.
“Kaya there’s no cognitive decline, physical or medical condition. Talagang nagsisinungaling yung magkakapatid,” diretsong pahayag ni Trillanes, tinutukoy sina Vice President Sara Duterte at ang kanyang mga kapatid.
Tiniyak ni Trillanes na patuloy niyang babantayan ang mga kaganapan kaugnay ng ICC case ni Duterte at maninindigan laban sa mga umano’y kasinungalingang inilalabas ng kampo ng dating pangulo.
