MULI na namang naging agresibo ang China Coast Guard (CCG) matapos nitong bombahin ng water cannon at banggain ang isang Philippine government vessel sa karagatang sakop ng Pag-asa Island noong Linggo ng umaga.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa West Philippine Sea, habang nakaangkla ang tatlong barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kabilang ang BRP Datu Pagbuaya, sa karagatang sakop ng Pag-asa upang magbigay-proteksyon sa mga mangingisdang Pilipino bilang bahagi ng programang “Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda” (KBBM), ay hinaras sila ng mga barko ng CCG at Chinese Maritime Militia.
“Around 8:15 a.m., the Chinese maritime forces approached dangerously close, activating their water cannons as a clear threat against the BFAR vessels,” ayon kay Tarriela sa kanyang post sa X (dating Twitter).
Lumala ang tensyon bandang 9:15 a.m. nang direktang binanatan ng CCG vessel 21559 ng water cannon ang BRP Datu Pagbuaya. Makalipas ang tatlong minuto, sinadyang banggain ng parehong barkong Tsino ang hulihan ng Datu Pagbuaya.
Ayon sa PCG, nagdulot ito ng bahagyang pinsala sa istruktura ng barko ngunit walang nasugatan sa mga tripulante.
Sa kabila ng panibagong insidente, nanindigan ang PCG at BFAR na mananatili silang nakatalaga sa lugar upang ipagtanggol ang mga karapatan at kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino sa Kalayaan Island Group.
“Despite these bullying tactics and aggressive actions, the PCG and BFAR remain resolute. We will not be intimidated or driven away,” pahayag ni Tarriela.
Samantala, mariing kinondena ng National Maritime Council (NMC) ang ginawa ng China at tiniyak na magsasagawa ang Pilipinas ng kaukulang diplomatikong aksyon laban sa Beijing.
“The Philippines will undertake the appropriate diplomatic action to convey its strong objections to the aggressive and illegal actions of China, and urges it to immediately cease these actions, respect international law, particularly the 1982 UNCLOS and the 2016 Arbitral Award,” ayon sa pahayag ng NMC.
Ang insidente ay pinakabagong patunay ng patuloy na panggigipit ng China sa mga barkong Pilipino sa loob mismo ng teritoryal na karagatan ng bansa, taliwas sa pandaigdigang batas at desisyon ng 2016 Arbitral Tribunal na pumapabor sa Pilipinas. (LIMUEL TOLENTINO)
