Larawan mula sa Pasig City Public Information Office.
NAGLAAN ng tulong pinansiyal ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig ng P5.5 milyon sa iba’t ibang lokal na naapektuhan ng mga bagyong Nando at Opong, gayundin ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu, sa ilalim ng City Resolution No. 83-12 Series, of 2025.
Ang nasabing hakbang ay pinagtibay ng 12th Sangguniang Panlungsod ng Pasig, alinsunod sa Resolution No. 3, Series of 2025 ng Pasig City Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC), na nagbibigay pahintulot sa paggamit ng pondo mula sa DRRM Fund 2025 – Quick Response Fund ng lungsod.
Kabilang sa mga benipisyaryo ng tulong pinansiyal ay ang Munisipyo ng Calayan (P500,000); Provincial Government ng Masbate (P1,000,000); Provincial Government ng Oriental Mindoro (P1,000,000), Provincial Government ng Cebu (P2,000,000); at Pamahalaang Lungsod ng Bogo sa Cebu (P1,000,000).
Ayon sa Pasig City Public Information Office (PIO), naipagkaloob na noong Oktubre 9 ang tulong sa mga lalawigan ng Cebu at Oriental Mindoro.

Sa Cebu, personal na tinanggap ni Governor Pamela Baricuatro ang P2 milyong tulong mula sa delegasyon ng Pasig na pinangunahan ng mga konsehal na sina Warren Inocencio, Volta Delos Santos, at Buboy Agustin, mga kasapi ng Committee on Disaster Resilience ng Konseho.
Sa Oriental Mindoro naman, mismong si Mayor Vico Sotto ang nag-abot ng P1 milyong tulong kay Governor Bonz Dolor at First Lady Hiyas Govinda Dolor.
Bukod sa pinansyal na tulong, tumanggap din ang mga lalawigan ng Emergency Go Bags, habang ang 25-member Pasig deployment team sa Cebu ay nagtapos ng operasyon na kinabibilangan ng psychosocial first aid, medical assessment, at infrastructure audit sa mga apektadong komunidad.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga opisyal ng Pasig sa lahat ng kawani at volunteers na tumulong sa relief at recovery operations.
Pinagtibay ng DRRMC at Sangguniang Panlungsod ang tulong sa mga special sessions noong Oktubre 2 at 3, bilang patunay ng patuloy na pangako ng Pasig City sa pagtutulungan ng mga LGU at pagpapalakas ng disaster resilience sa buong bansa. (ARNOLD PAJARON JR)
