MARIING pinabulanan ng bagong talaga na si Ombudsman Crispin “Boying” Remulla ang mga alegasyong mula sa kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ang una umano niyang direktiba sa tanggapan ay imbestigahan si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Remulla, maliwanag na isa itong “baseless political propaganda.”
“That’s their propaganda, they’re believing their own propaganda. Ang order of the day natin ay isaayos ang bansa, itama ang direksyon, at gamitin ang posisyon para sa bayan,” pahayag ni Remulla.
Giit ng Ombudsman, nakatuon ang kanyang liderato sa pagsisilbi sa bayan nang may integridad at katarungan, hindi sa paghihiganti sa pulitika.
“Politika ang kanilang iniisip, eh sabi ko nga rito, wala na akong politika pagpasok ko rito. Basta ‘pag tama ay tama, ang mali ay mali,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ni Remulla na ilang beses na siyang sinubukang sindakin noong siya’y imbitahan sa Senado, ngunit hindi siya kailanman nagpaapekto sa ganitong uri ng pressure.
“Eh sinubukan na nila akong sindakin dati sa Senate. Marami nang naninindak diyan, pero hindi naman ako pumapayag magpasindak,” aniya.
Tiniyak ni Remulla na sa ilalim ng kanyang pamumuno, mananatiling patas at walang kinikilingan ang Office of the Ombudsman sa lahat ng isasagawang imbestigasyon.
