TAYTAY, RIZAL – Pormal nang pinalakas ng Pag-IBIG Fund at Megawide Construction Corporation ang kanilang partnership upang pabilisin ang pagtatayo ng mahigit 7,000 housing units sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program (Expanded 4PH).
Gamit ang makabagong precast construction technology, target ng dalawang institusyon na matapos ang mga bahay sa loob lamang ng dalawang taon—mas mabilis kumpara sa tradisyunal na paraan ng pagtatayo.
Sa pamamagitan ng pasilidad ng Megawide sa Taytay, Rizal, ang mga structural components tulad ng mga pader, slabs, beams, at columns ay gagawin sa loob ng isang kontroladong planta sa halip na sa mismong construction site.
Dahil ang mga parte ng gusali ay “manufactured” na bago pa dalhin sa location para i-assemble, naiiwasan ang mga abala na dulot ng masamang panahon at iba pang on-site challenges. Tinitiyak din nito ang mas mataas na kalidad ng bawat yunit dahil sa masusing monitoring sa loob ng factory.
Base sa datos ng Pag-IBIG, nag-invest ang fund ng P10 bilyon sa Megawide noong 2025 upang suportahan ang pagpapatayo ng 7,143 medium-rise units sa Cavite. Sa kabuuan, may aprubadong P27.12 bilyon ang Pag-IBIG para sa housing development financing, kung saan P8.5 bilyon na ang nailabas para sa mahigit 21,000 socialized housing units.
Noong nakaraang taon, nakapagtala ang Pag-IBIG ng record-breaking na P140.54 bilyon na halaga ng housing loans na napakinabangan ng mahigit 90,700 na manggagawang Pilipino.
Dahil sa bilis ng precast technology, inaasahang mas maraming pamilyang Pilipino ang magkakaroon ng sariling bahay sa mas maikling panahon.
Plano rin ng Pag-IBIG at Megawide na maglunsad pa ng mga karagdagang proyekto gamit ang kaparehong sistema sa mga susunod na buwan upang matugunan ang kakulangan sa pabahay sa bansa.
