Naaalarma na ang lokal na pamahalaan ng Pililla, Rizal matapos sumirit ang gastos sa paghahakot ng basura na umabot na sa ₱9.5 milyon nitong 2024.
May pagkabahalang sinabi ni Mayor John Masinsin ang isyung ito sa harap ng mga miyembro ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps matapos i-post ng alkalde sa social media ang bagay na ito.
Ayon sa alkalde, halos nalulunod na sa basura ang kanilang bayan dahil sa biglang paglobo ng nakokolekta kada taon, mula 472 truckload noong 2020 ay pumalo na sa 792 truckload nitong nakaraang taon.
“Nakakalungkot pong isipin na malaking bahagi ng ating pondo ay nauubos lang para itapon ang ating mga basura. Para tayong nagtatapon ng pera para lang itapon din ang ating basura,” ani Masinsin na nagpahayag ng pagkadismaya.
Batay sa datos ng LGU, maliit lamang ang itinaas ng populasyon ng bayan mula 68,400 katao noong 2020 tungo sa 72,500 katao ngayong taon, o halos 5.8% lang, kumpara sa halos 67.7% pagtaas ng nakokolektang basura.
Dagdag pa ni Masinsin, ang nakokolektang basura ay nahahati sa 31.1% nabubulok, 30.6 % recyclable, 19.7% ang disposable, 8.4% ang residual at 10.2% ang special waste.
Kaya nananawagan ang alkalde sa kanyang mga kababayan na seryosohin ang recycling at composting para makabawas sa gastos at problema sa basura.
Sa ngayon, mahigpit nang ipinagbabawal sa mga empleyado ng munisipyo ang paggamit ng single-use plastic, bottled water at iba pang plastik na produkto.
Naglatag din ang LGU ng hotline para sa mga reklamo at isyu kaugnay ng solid waste management.
“Minabuti na rin namin na magkaroon ng telephone hotline para maitawag ng mga kababayan namin ang mga isyung may kinalaman sa problema sa solid waste management,” giit pa ni Masinsin. (ARNOLD PAJARON JR)
