May 19, 2024

3 drug suspects arestado sa P170K shabu sa Valenzuela

SWAK sa kulungan ang tatlong hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang ginang matapos makuhanan ng halos P.2 milyon halaga ng hinihinalang shabu makaraang matimbog sa buy bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr, ang mga naarestong suspek bilang si Edelyn Aguilar, 44, scrapper ng Brgy. Campaign, Meycauyan, Bulacan, Ricardo Royo, 50 ng Baesa, Caloocan City at Eric Pascual, 53 ng Brgy. Gen T De Leon.

Sa report ni Col. Destura kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Ponce Rogelio Penones Jr, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Joel Madregalejo ng buy bust operation sa San Vicente St., Brgy. Karuhatan.

Kaagad inaresto ng mga operatiba sina Aguilar at Royo matapos bintahan ng P12,000 halaga ng droga si PCpl Isagani Manait na nagsilbi bilang poseur-buyer, kasama si Pascual na umiskor din umano ng shabu sa dalawang suspek.

Ani PCpl Pamela Joy Catalla, nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 25 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price P170,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 23 pirasong P500 boodle money, tatlong cellphones, brown envelop at isang mitsubishi adventure.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.