May 15, 2024

P15-K MARIJUANA NAHARBAT SA RODRIGUEZ, RIZAL

Arestado ang isang online food businessman na tulak ng marijuana sa ikinasang buy-bust operation sa Rodriguez Rizal.

Kinilala ang naarestong suspek na si John Ryan Dalugdog, alyas Ryan, 24, ng Blk. 10 Lot 25 Phase 2 Eastwind Subdivision, Barangay San Isidro.

Sa inisyal na imbestigasyon, nakatanggap ng impormasyon si P/Cpl Micheal John Arenas mula sa isang impormante kaugnay sa pagtutulak ng marijuana ng isang alyas Ryan sa nabanggit na lugar.

Matapos  maberipika ang natanggap na impormasyon, agad nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng  Provincial Intelligence Unit (PIU) sa pangunguna ni P/Cpt. Juan Carlo Porcincuala at sa pamumuno naman ni P/Lt Col William Santos at pakikipagkoordinasyon sa PDEA-Calabarzon dakong alas-10:30 ng umaga kahapon.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang kanilang target matapos bentahan ng isang sachet ng hinihinalang marijuana ang pulis na nagpanggap buyer.

Nakuha mula sa suspek ang 12 piraso ng plastic sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana na may timbang na 150 gramo na tinatayang nasa P150,000 at P500 na marked money.

Mahaharap ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.