PASIG CITY — Walang preno si Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa pagsulong ng mga panukalang magbibigay ginhawa sa mga nakatatanda—mula dagdag pension, libreng ospital, diskwento sa groceries, hanggang scholarship para sa mga apo!
Giit ni Ordanes, dapat ipatupad nang mahigpit ang pinalawak na senior citizen law at buuin ang Geriatric Hospital para matugunan ang espesyal na pangangailangan ng mga matatanda.
Kasama rin sa target niya ang Universal Senior Social Pension para lahat ng indigent, mahihina, o may sakit na senior ay may buwanang tulong pinansyal.
Hindi bago kay Ordanes ang laban para sa seniors. Noong 18th Congress, siya ang nag-akyat ng social pension mula ₱500 naging ₱1,000. Sa 19th Congress, naisabatas ang Centenarian Act na nagbibigay ng ₱10,000 sa edad 80, 85, 90, at 95.
Pero aminado siya—sablay ang implementasyon ng social pension at kulang sa parusa sa mga establisimyentong hindi sumusunod sa 20% discount at VAT exemption.
Ngayong taon, sisimulan sa Setyembre ang 10% dagdag pension sa mga retiradong SSS members, na susundan pa ng tig-10% dagdag sa susunod na dalawang taon. Pasok din sa panukala ni Ordanes ang 20% discount sa groceries para sa seniors (ngayon 5% lang), para mas maramdaman ang diskwento sa araw-araw na gastos.
Ipinupursige rin niya ang Iskolar ng Bayan — kukunin ang 30% mula sa 1% na kinokolekta sa special education fund ng LGU para pondohan ang libo-libong estudyante, lalo na ang mga apo ng senior citizens. Layunin nitong bawasan ang pasaning gastusin ng mga lolo’t lola.
Binanatan din ni Ordanes ang Lakay Aral program na aniya’y “palpak” ang implementasyon at hindi nasusunod ang orihinal na layunin.
Personal na karanasan ang nagtutulak kay Ordanes — dumaan siya sa kidney transplant at dialysis, kaya ramdam niya ang hirap ng senior citizens na may malubhang sakit.
Katuwang niya sa adbokasiyang pangkalusugan si Meralco VP Joe Zaldarriaga, na nagbabala sa seniors na bantayan ang creatinine level para makaiwas sa Chronic Kidney Disease (CKD).
“Kung ayaw, may dahilan. Kung gusto, may paraan!” matapang na pahayag ni Ordanes habang pinapangakong hindi niya titigilan ang laban para sa karapatan at benepisyo ng mga nakatatanda. (ARNOLD PAJARON JR)
