Photo credit: Presidential Communications Office/FB
INILUNSAD na ang pinakahihintay na One RFID program, matapos matagumpay na maisakatuparan ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) at SMC Infrastructure ang integrasyon ng kanilang toll systems, sa seremonyang dinaluhan mismo ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Calamba, Laguna.
Sa ilalim ng bagong sistema, sapat na ang isang RFID account upang makadaan sa lahat ng pangunahing expressway sa Luzon, kabilang ang NLEX, SLEX, Skyway, SCTEX, TPLEX, STAR, CALAX, CAVITEX, C5 Link, MCX, at NAIAX, gamit ang alinman sa Autosweep o Easytrip tag.
Ayon sa DOTr at Toll Regulatory Board (TRB), layunin ng proyekto na pabilisin ang toll collection, bawasan ang pila, at mapagaan ang biyahe ng mga motorista.
Maaaring magparehistro online sa website ng napiling provider kung Autosweep o Easytrip. Kapag may parehong RFID sticker, kailangang tanggalin ang isa sa mga service center bago mag-load at magamit ang unified account sa lahat ng tollway sa Luzon.
“We are proud to announce the successful completion of interoperability between our electronic toll collection systems, Autosweep and Easytrip,” ayon sa joint statement ng dalawang kumpanya.
Pinuri rin ng MPTC at SMC ang DOTr at TRB sa kanilang pamumuno at gabay sa pagsasakatuparan ng proyekto.
“Their valuable leadership helped simplify settlement mechanisms so that motorists can enjoy a smooth and secure experience,” ayon sa pahayag.
Matapos ang taon ng teknikal na koordinasyon at pagsubok, tiniyak ng mga kumpanya na tuloy-tuloy ang pagpapalawak ng registration at pagpapahusay ng system performance upang mas maging maginhawa ang biyahe ng mga Pilipinong motorista. (MINA PADERNA)
