NANAWAGAN si LTFRB Chair Atty. Vigor Mendoza II sa mga lider ng transport sector na ibunyag at ituro ang mga tiwaling tauhan sa loob ng ahensya, bilang bahagi ng ipinapatupad na malawakang kampanya kontra-korapsyon.
“Ano mang kilala ninyo na kailangan nating tanggalin na sobrang tagal na, sobra na ang malaki ang bulsa, sabihin ninyo lang kay Ka Lando Marquez (pangulo ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas) para hindi ko kailangan maghanap masyado,” ani Mendoza.
“Kasi kayo naman ang nakakaalam niyan e. Huwag na tayo magpatumpik-tumpik kung hindi ninyo ko tutulungan,” dagdag pa niya.
Ayon sa pinuno ng LTFRB, aabutin na naman ng dekada bago mawala ang anomalya kung hindi magkakaroon ng sama-samang aksyon.
“Ngayon, aabutin na naman tayo ng 25 taon at ganito pa rin ang pinag-uusapan natin, kabagalan ng proseso… Kung gusto niyo mabago ‘to, magtulungan tayo. Bigay ninyo sa akin lahat ng pangalan ng mga taong masyadong malaki ang bulsa, masyadong nagpapatagal, masyadong nagpapahirap para lang magkaroon ng alam ninyo na. Doon magsisimula to,” ani Mendoza.
Nagbabala rin ang opisyal na hindi na niya titiisin ang mga nakikitang benepisyo ng iilan na pumipigil sa mabilis at tapat na serbisyo.
“We will not tolerate this anymore. Kasi kung ipagpatuloy niyo yung ganansya nila, kahit ano pa gawin kong paglilinis, mahirapan ako. Kasi nakikinabang e. Ihinto na natin ito. Ito ang pakiusap ko sa inyo,” panawagan ng chair. (MINA PADERNA)
