Nanatiling malinis ang rekord ng “new-look” Nxled Chameleons matapos nilang walisin ang Cignal Super Spikers, 25-19, 25-22, 27-25, sa tapatan ng dalawang powerhouse teams sa 2026 PVL All-Filipino Conference nitong Sabado sa Ynares Center sa Antipolo City.
Dahil sa panalong ito, kinuha ng Nxled ang solong pamumuno sa liga bitbit ang 3-0 na baraha, habang lumasap naman ang Cignal ng kanilang unang pagkatalo para sa 3-1 na rekord.
Ang PLDT na lamang ang natitirang koponan na wala ring talo na may 2-0 na standing sa kasalukuyan.
Bagaman dominado ng Chameleons ang unang dalawang set, hindi naging madali ang ikatlong yugto matapos rumesbak ang Super Spikers.
Maagang lumayo ang Cignal sa iskor na 6-2 sa pag-asang mapahaba ang laban, ngunit mabilis na humabol ang Nxled upang muling kontrolin ang set.
Sa huling bahagi, nagkaroon pa ng pagkakataon ang Cignal na makuha ang set point, 25-24, ngunit naging matatag si Brooke Van Sickle upang itabla ang laro sa 25-all.
Tinapos ang laban matapos ang krusyal na error ni Vanie Gandler ng Cignal na nagpormalisa sa pagkapanalo ng Chameleons.
Itinanghal na Best Player of the Game ang setter na si Jules Tolentino na nagtala ng 19 excellent sets at limang puntos.
Naging balanse ang opensiba ng Nxled sa pangunguna nina Van Sickle at MJ Phillips na parehong kumana ng 14 puntos.
Nag-ambag din ang veteran spiker na si Myla Pablo ng 12 markers, habang nagdagdag si Lyann de Guzman ng siyam na puntos.
Sa panig ng Cignal, nauwi sa wala ang 15 puntos na kinayod ni Erika Santos.
Sa susunod na Huwebes, tatangkain ng Nxled na pahabain ang kanilang winning streak sa apat laban sa Galeries Tower sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan. (Ron Tolentino)
