Wala nang paligoy-ligoy pa ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers: ang muling maibalik ang tropeo sa Taft Avenue ang nag-iisa nilang target para sa UAAP Season 88.
Pinatunayan ito ng Lady Spikers matapos nilang pulbusin ang kapwa playoff contender na Far Eastern University (FEU) sa loob lamang ng tatlong set, na tumagal lamang ng mahigit isa’t kalahating oras. Pinangunahan ang opensiba ng kanilang “Big 3” na binubuo nina team captain Shevana Laput, kasama ang Alas Pilipinas mainstays na sina Angel Canino at Amie Provido.
Kumana si Laput ng 23 puntos sa kanyang season debut, tampok ang impresibong 48.7-percent efficiency. Ayon sa kanya, sapat na ang naging karanasan nila sa mga nakaraang taon upang maging determinado sa pag-akyat sa tuktok.
“Ipinapakita nito na kami ay isang koponan na gustong manalo at gustong bumawi. Naging pangatlo na kami, naging pangalawa rin; kaya natural lang na sa pagkakataong ito, kami na ang maging una,” matapang na pahayag ni Laput.
Matapos magkampeon noong Season 86 noong sila ay mga rookie pa lamang, lumasap ng heartbreak ang La Salle sa nagdaang dalawang taon sa ilalim ng “golden age” ng National University (NU). Ngunit ngayong wala na sa Lady Bulldogs ang kanilang mga pambato na sina Bella Belen at Alyssa Solomon, nakikita ng marami na mas lumaki ang tsansa ng Green and White na makuha ang korona.
Suportado naman ni Angel Canino ang pahayag ng kanilang kapitan, at sinabing ang mga kabiguan noong nakaraang dalawang taon ang nagsisilbing gasolina sa kanilang nagbabagang pagnanais na manalo.
“Wala na talaga kaming patutunguhan pa kundi iyon lang,” ani Canino. “Iyon na ang gusto naming iwan na legacy. Ayaw na naming bumalik sa heartbreak na naranasan namin. Hindi ito sa pagmamayabang, pero iyon talaga ang pinanghahawakan namin.”
Pinuri rin ni Canino ang liderato ni Laput na siyang nagbibigay ng positibong enerhiya sa loob ng court. Aniya, ang pagiging “hype girl” at positibong pananaw ng kanilang kapitan ang humihila sa buong team pataas, kahit sa mga sandaling sila ay nahihirapan.
Sa bagsik na ipinamalas ng La Salle sa kanilang unang laro, tila isang babala ito sa ibang mga koponan na handa silang sagasain ang anumang harang para muling hiranging reyna ng UAAP volleyball. (RON TOLENTINO)
