Larawan mula kay NPC Board of Director Gina Mape
Ginunita ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang 16th anniversary ng Ampatuan Massacre, ang pinakamalupit na pagpatay sa mga mamamahayag sa buong mundo, habang muli nitong iginiit ang panawagan para sa ganap na hustisya, pananagutan, at mas mahigpit na proteksyon para sa kalayaan sa pamamahayag sa bansa.
Nobyembre 23, 2009, nang 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag, ang walang-awang tinapos ang buhay sa Ampatuan, Maguindanao, isang trahedyang tumatak sa kasaysayan bilang simbolo ng panganib na kinakaharap ng media sa Pilipinas.
Ayon kay NPC President Leonel Abasola, hindi sapat ang naging paghatol sa ilan sa mga salarin dahil marami pa ring responsable sa krimen ang nananatiling nakalalaya, dahilan para hindi pa rin makamit ang buong hustisya.
“This commemoration is not only a remembrance of lives lost, but a reminder of the collective responsibility to uphold truth, protect media workers, and ensure that such an atrocity never happens again,” ani NPC President Leonel Abasola.
Binigyang-diin pa ng NPC na ang mga sunud-sunod na pag-atake at intimidasyon laban sa media practitioners ay patunay na may mga nasa posisyon pa rin ng kapangyarihan na nais patahimikin ang mga tagapaghatid ng katotohanan.
Dahil dito, nanawagan si Abasola ng higit pang proteksyon, suporta, at pagkakaisa upang mapanatiling malaya at ligtas ang mga mamamahayag sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Kasabay ng paggunita, ibinahagi rin ni Abasola ang ilang positibong kuwento ng pag-asa mula sa mga iniwang pamilya ng mga biktima.
Kabilang dito si Rhukkymae Montano, anak ng biktimang si Marife “Neneng” Montano at NPC scholar, na pumasa bilang pharmacist, patunay na patuloy na tinutulungan ng NPC ang mga naulilang pamilya.
Inanunsyo rin ng NPC ang paglalaan ng isang ektaryang lupa sa Brgy. Maan, T’boli, South Cotabato, donasyon ni Rose Tamayo, NPC coordinator sa Visayas at Mindanao, para sa mga tagapagmana ng mga nasawi.
“Journalists must remain vigilant, courageous, and committed to practicing the highest standards of ethics and professionalism,” giit pa ni Abasola.
“In honoring the victims of the Ampatuan Massacre, we also reaffirm our duty to ensure that truth-telling continues despite intimidation, harassment, or violence,” dagdag pa ni Abasola.
Nanawagan ang NPC sa pamahalaan, civil society, at publiko na magkaisa sa laban para sa ganap na hustisya, at tiyakin na ang forth estate (ang mga mamamahayag) ay makagaganap nang walang takot, panggigipit, o karahasan. (Arnold Pajaron Jr)
