CAINTA, RIZAL — Buong puso ang pasasalamat ni Mayor Kit Nieto sa libo-libong Cainteño at mga sponsors na nakiisa sa matagumpay na Color Fun Run, isa sa mga pangunahing aktibidad na nagbukas ng Sumbingtik Festival 2025 sa bayan ng Cainta.
Tinatayang mahigit 3,000 residente ang sumali sa makulay na pagtakbo, na naging simbolo ng pagkakaisa at masiglang diwa ng komunidad.
Umaga pa lang ay siksikan na ang mga runners, habang abot-tenga ang ngiti ng mga kalahok na nabalot ng iba’t ibang kulay ng powder.
Nagkaroon din ng raffle draw, kung saan ilang mapapalad na partisipante ang nag-uwi ng bagong sapatos at cash prizes, na lalo pang nagpasigla sa selebrasyon.
Sa panayam, binigyang-diin ni Mayor Nieto ang malaking papel ng private sector at sponsors sa patuloy na paglago ng Sumbingtik Festival, na ngayon ay kinikilala na bilang isa sa mga pinakamalalaking festival sa bansa.
“Tayo, at natutuwa naman tayo sa kanila… Slowly, we are getting there. Malaki ang naiaambag ng private sector para gumanda at lumawak pa ang ating festival,” pahayag ni Mayor Nieto.
Dagdag niya, marami sa mga sponsors ang aktibong nakikilahok hindi lamang sa programa, kundi maging sa iba’t ibang “Sumbingtik houses,” na taun-taon ay nagiging sentro ng atraksyon at cultural displays. Patunay ang matagumpay na Color Fun Run na patuloy na lumalakas, lumalaki, at umiigting ang suporta ng komunidad at pribadong sektor sa taunang Sumbingtik Festival, isang pagdiriwang na tunay na sumasalamin sa sigla at pagkakaisa ng Cainta. (Arnold Pajaron Jr)
