Arestado ang walong miyembro ng PNP Drug Enforcement Group–Special Operations Unit ng (PDEG-SOU) 4A habang anim pa nilang kabaro ang patuloy na pinaghahanap matapos silang masangkot sa umano’y panggagahasa at pagnanakaw sa isang Grade 9 student sa Bacoor City, Cavite nuon Sabado ng umaga.
Kinilala ang biktima na si alyas “Nena”, 18 taon gulang, isang Grade 9 student na isa ring live streamer sa social media.
Ayon sa Calabarzon Police Regional Office, agad na ipinag-utos ni P/Brig. Gen. Paul Kenneth T. Lucas ang pagbawi ng mga service firearms at pagdakip sa mga suspek sa loob ng Camp Vicente Lim sa Calamba, Laguna.
Base sa sumbong ng biktima nakatambay umano siya sa harap ng kanilang bahay ng dumating ang grupo ng mga armadong kalalakihan na nagpakilalang mga pulis mula sa Canlubang.
Sapilitan umanong ipinasok ng mga suspek sa loob ng bahay ang biktima bago nilimas ang mga personal niyang gamit at ng kanyang kasintahan.
Dagdag pa ng biktima isa sa mga pulis ang nag-utos umano na lumabas ang ibang kasamahan at ikinandado ang pintuan ng kanilang bahay bago sapilitan siyang pinaghahalikan at ginahasa at pagkatapos ng insidente ay agad din umalis ang mga suspek.
Nabawi mula sa mga suspek ang mga cellphone, isang Yamaha Mio na motorsiklo ng biktima, Isang Toyota Innova na may red plate, boodle money, mga plaka ng sasakyan at tinatayang 86 gramo ng mga hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P584,800.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ngayon ng Bacoor Component City Police Station ang mga naarestong pulis at inihahanda na ang mga kasong Robbery in Band at paglabag sa Republic Act 8353 o Anti-Rape Law sa City Prosecutors Office. (KOI HIPOLITO)
