Sa gitna ng tila walang patid na “purge against crooks” ng pamahalaan, lumutang muli ang pangalan ng isang mas kilalang POGO personality matapos kumpirmahin na si Katherine Cassandra Li Ong, na may kaso ring qualified human trafficking, ay nakaalis ng bansa nang hindi namamalayan.
Ang impormasyon ay lumabas kasunod ng paglabas ng desisyon ng Pasig Regional Trial Court na humatol ng guilty kay dating Bamban Mayor Alice Guo, na konektado rin sa operasyon ng mga ilegal na POGO hub sa Pampanga.
Sa pagdinig sa Senado para sa panukalang budget ng Department of Justice (DOJ), agad na nagtanong si Sen. Risa Hontiveros hinggil sa estado ng kaso ni Ong.
“Ngayon si Cassandra Li Ong naka-release po siya, so hindi siya nakakulong.” tugon ni Sen. Sherwin Gatchalian, batay sa datos mula kay acting Justice Secretary Frederick Vida.
Kinumpirma ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Ong, na matagal na silang walang komunikasyon ng kanyang kliyente, na itinuturing nang at large. Gayunman, nananatili ang kanyang legal engagement.
“We are bound by law… to continue providing her with the best legal services we can render,” ani Topacio sa isang pahayag.
Dapat sana ay nasa Correctional Institution for Women (CIW) si Ong matapos itong ma-cite for contempt, ngunit nakalaya nang magtapos ang termino ng ika-19 na Kongreso noong Hunyo 31.
Ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio, nakapaghain na ang Pilipinas ng request sa Interpol para sa Red Notice laban kay Ong, na umano’y nakita pa sa Japan.
Binanggit din ni Casio na may mga hakbang para mapabalik sa bansa si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na umano’y may kaugnayan din sa parehong kaso ng qualified human trafficking.
Sa kabilang banda, iginiit ni Topacio na ginagamit umano ng gobyerno ang kaso ni Ong upang mailihis ang atensyon ng publiko mula sa mas malalaking kontrobersiya, kabilang ang P584-million flood control scandal na kinasasangkutan umano ng ilang mataas na opisyal, kasama na ang pinsan ni Pangulong Marcos, si dating House Speaker Martin Romualdez.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at paghahanap kay Ong, nananatiling malaking tanong kung paano nakalabas ng bansa ang isang personalidad na may mabigat na kasong kinahaharap sa gitna ng lumalakas na panawagan para sa mas mahigpit at mas tapat na kampanya laban sa kriminalidad at katiwalian.
