
Mabilis na kumilos ang Rizal Police Provincial Office matapos makatanggap ng ulat hinggil sa isang senior citizen na ikinandado sa loob ng isang bahay kung saan may mga batang naroroon, Nobyembre 22, 2025 ng umaga sa Main Street, Sitio Mata, Brgy. Palangoy, Binangonan, Rizal.
Ayon sa reklamo ni Erlinda Yacap, 67-anyos, bigla umanong pumasok sa kanyang bahay ang suspek na nakilalang si alias Christopher, isa ring senior citizen.
Naghanap umano ito ng kutsilyo at nag-aalalang may gustong pumatay sa kanya. Dahil sa takot, agad lumabas ng bahay ang complainant, isinara ang pinto upang hindi makalabas ang suspek, at humingi ng tulong sa Binangonan MPS.
Agad na rumesponde ang team ng Binangonan Police sa pangunguna ni PLTCOL Evangeline P. Santos at Officer of the Day PCPT Jaycie Lou San Jose. Lumabas sa initial assessment na ang suspek, na sinasabing may dementia at ilang araw nang hindi natutulog, ay nakakulong sa loob kasama ang mga bata na nasa ikalawang palapag. Dahil dito, inangat ng Rizal PNP ang antas ng operasyon upang unahin ang kaligtasan ng mga menor de edad.
Pagkatanggap ng ulat, agad naglabas ng direktiba si Rizal Police Provincial Director PCOL Feloteo A. Gonzalgo, na personal na nag-supervise sa operasyon. Mabilis na na-mobilize ang mga tauhan.
Humingi rin ng suporta ang Rizal PNP mula sa Rizal Provincial Mobile Force Company (PMFC) at SWAT Team na pinamumunuan ni PLTCOL Vicente Gil Palma, na agad dumating upang magbigay ng specialized assistance.
Dahil sa koordinado at mabilis na pagkilos, matagumpay na na-secure ang lugar, nailigtas ang mga bata, at na-manage ang distressed suspect nang walang karagdagang gulo. Dalawang pulis ang nagtamo ng minor injuries ngunit nasa mabuting kalagayan.
Pinuri ng Rizal Police Provincial Office ang pagkamapagmatsyag ng komunidad at muling iginiit ang kanilang dedikasyon sa mabilis, mahabagin, at epektibong serbisyo publiko, lalo na sa mga insidenteng may kinalaman sa mga bata at mga vulnerable na indibidwal.
Isang malinaw na patunay ang operasyon na ito sa mabilis at matatag na pagkilos ng Rizal PNP upang mapanatiling ligtas ang bawat residente ng lalawigan. (Arnold Pajaron Jr)
