Inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang aplikasyon ng 25 transport cooperatives para sa subsidiyang gagamitin sa pagbili ng 162 modern jeepneys sa ilalim ng Public Transportation Modernization Program (PTMP).
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ang hakbang ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pagandahin at paspasan ang modernisasyon ng pampublikong transportasyon, lalo na’t marami pa ring reklamo ukol sa accessibility at kakulangan ng masasakyan.
Sinabi ni Mendoza na ang mga inaprubahang aplikasyon ay mula sa iba’t ibang panig ng bansa — mula Luzon hanggang Mindanao — at magbibigay-daan sa pagdating ng mas maraming modernong jeep na makatutulong sa lumalaking bilang ng pasahero.
“Ang commitment po natin ay i-fast track ang lahat ng pending petitions. Ang mga Pilipino ay nararapat sa mas maayos na serbisyo at mabilis na tugon ng gobyerno,” ani Mendoza.
“Malaki na ang pagbabago sa LTFRB,” dagdag pa niya.
Ang nabanggit na pag-apruba ay bahagi ng Expanded Equity Subsidy (EES) ng pamahalaan, na layong tulungan ang maliliit na transport operators na makakuha ng modern jeeps sa pamamagitan ng loan packages katuwang ang mga pribado at pampublikong financial institutions.
Malaki rin umano ang nakalaang government subsidy sa bawat unit na kukunin ng mga kooperatiba, kaya’t mas magiging abot-kaya ang modernisasyon para sa mga tsuper at operator.
“Marami pa kaming nire-review. Sisiguraduhin ng LTFRB na bawat sentimong ibinibigay bilang subsidy ay mapupunta sa tamang paggamit at tunay na makatutulong sa pagpapabuti ng public transportation,” ayon pa kay Mendoza.
Inaasahang makakadagdag ang 162 bagong modern jeep sa pagpapagaan ng biyahe ng libo-libong commuter sa buong bansa. (Mina Paderna)
