
Ipinahayag ni North Korean leader Kim Jong Un ang buong suporta ng kanyang bansa sa mga hakbang ng Russia kaugnay sa digmaan sa Ukraine, ayon sa ulat ng state-run Korean Central News Agency (KCNA) nitong Linggo, Hulyo 13.
Sa kanyang pakikipagpulong kay Russian Foreign Minister Sergei Lavrov sa Pyongyang nitong Sabado, sinabi ni Kim na handa ang North Korea na “walang kundisyong suportahan at hikayatin ang lahat ng hakbang ng liderato ng Russia” kaugnay ng paglutas sa ugat ng krisis sa Ukraine.
Nagpahayag pa si Kim ng tiwala na magwawagi ang Russia sa tinawag niyang “banal na layunin ng pagtatanggol sa dignidad at interes ng bansa.”
Ang pagbisita ni Lavrov sa Pyongyang ay bahagi ng serye ng mga high-level engagements sa pagitan ng Russia at North Korea habang pinalalalim ng dalawang bansang may matitinding international sanctions ang kanilang ugnayan sa politika at militar.
Ayon sa mga ulat, nagpadala umano ang Pyongyang ng libu-libong sundalo sa Kursk region ng Russia upang tumulong sa pagtaboy sa mga puwersa ng Ukraine, pati na rin ng mga artillery shells at missiles para sa Russian army.
Sa ulat ng Russian state news agency na TASS, nagpaabot si Lavrov ng pasasalamat sa “makabayang sakripisyo” ng mga sundalong North Korean na ipinadala sa digmaan. Kasama rin sa kanilang diskusyon ang pagpapatupad ng mga kasunduang nabuo noong makasaysayang summit ng Russia at North Korea noong Hunyo 2024.
Nagpulong din si Lavrov at North Korean Foreign Minister Choe Son Hui sa Wonsan, isang coastal city sa silangang bahagi ng bansa, kung saan binuksan kamakailan ang isang malaking resort. Ayon kay Lavrov, “may potensyal ang Wonsan bilang tourist destination para sa mga Russian.”
Bilang bahagi ng mas malapit na kooperasyon, inanunsyo ng Moscow na magsisimula ang dalawang beses kada linggong flight sa pagitan ng Pyongyang at Moscow.
Kapwa idiniin ng Russia at North Korea ang kanilang layunin na labanan ang “hegemonic ambitions” ng mga bansa sa labas ng rehiyon na, anila, ay nagdudulot ng tensyon sa Northeast Asia at Asia-Pacific.
Naglabas din ng video ang Russian foreign ministry kung saan makikitang nagkamay at nagyakapan sina Kim at Lavrov, na nagpapakita ng matibay na “comradely trust” sa pagitan ng dalawang lider.
Sa gitna ng umiinit na geopolitical climate, lalong tumitibay ang alyansa ng Moscow at Pyongyang—isang hakbang na itinuturing ng mga analyst bilang malaking hamon sa global security landscape.
