Nalulungkot na inanunsyo ng Oklahoma City Thunder na ang kanilang rookie guard na si Nikola Topic ay kasalukuyang sumasailalim sa chemotherapy treatment matapos ma-diagnose na may testicular cancer.
Kinumpirma ito ni Thunder general manager Sam Presti nitong Huwebes (Biyernes sa oras ng Maynila), at sinabi niyang positibo ang mga doktor sa pagbabalik ng kalusugan ng 20-anyos na manlalaro.
“Ang tanging inaasahan namin ay ang kanyang paggaling. Ito ang kanyang pangunahing prioridad ngayon. Makakabalik siya sa paglalaro kapag kaya na niya, ngunit wala kaming itinakdang panahon para rito,” pahayag ni Presti.
“Buong suporta, pagmamahal, at pag-asa ang ibinibigay namin sa kanya,” dagdag pa niya.
Noong Oktubre 6, sumailalim si Topic sa isang biopsy procedure sa MD Anderson Cancer Center sa Houston matapos matuklasan ang naturang kondisyon.
Si Topic, na napili ng Thunder bilang 12th overall pick sa 2024 NBA Draft, ay hindi pa nakakapaglaro sa NBA matapos itong mapunit ang kanyang ACL sa kaliwang tuhod ilang linggo bago ang draft.
Sa ngayon, patuloy ang panalangin at suporta ng buong basketball community para sa ganap na paggaling ng batang Serbian guard. (Ron Tolentino)
