Itinaas na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang antas ng kanilang operasyon bilang paghahanda sa paggunita ng EDSA People Power Revolution at sa gaganaping “3rd Trillion Peso March.”
Sa ilalim ng direktiba ni Regional Director PMGEN Anthony A. Aberin, ipatutupad ang mas mahigpit na security measures upang matiyak ang kaayusan sa buong Metro Manila simula ngayong weekend.
Nakatakdang ilagay ang NCRPO sa full alert status simula alas-5:00 ng hapon ngayong Pebrero 21, 2026, habang sisimulan naman ang skeletal deployment bukas, Pebrero 22, sa mga lugar kung saan inaasahan ang mga unang aktibidad.
Sa kabuuan, mayroong 14,266 na tauhan ang ipakakalat sa mga istratehikong lugar gaya ng mga major thoroughfares, transport hubs, at iba pang convergence areas.
Kabilang sa puwersang ito ang 3,000 augmentation personnel na magmumula sa PRO 3 at PRO 4A upang palakasin ang presensya ng kapulisan, katuwang ang mga Civil Disturbance Management units at mga intelligence operatives.
Batay sa naging karanasan sa nakalipas na tatlong taon, sinabi ng NCRPO na naging mapayapa sa pangkalahatan ang mga aktibidad na may kaugnayan sa EDSA.
Gayunpaman, nagsagawa na rin sila ng mga proactive measures gaya ng pakikipagdiyalogo sa mga barangay officials at stakeholders upang maiwasan ang anumang aberya o gulo.
Mahigpit ding inutusan ang mga commander na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at tiyaking laging handa ang kanilang mga contingency plan.
Binigyang-diin ni PMGEN Aberin na mananatiling propesyonal ang kapulisan at susunod sa polisiya ng “maximum tolerance” habang binabantayan ang mga kilos-protesta.
Ayon sa kaniya, tungkulin ng PNP na protektahan ang komunidad habang iginagalang ang karapatan ng bawat mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin.
Aniya, hindi kalaban ng mamamayan ang mga pulis kundi naroon sila upang tiyakin na magiging ligtas at mapayapa ang bawat aktibidad para sa lahat ng mga “QCitizens” at residente ng Metro Manila.
