Mariing nilinaw ng Quezon City Police District (QCPD) na walang katotohanan at isang sadyang panlilinlang o scam ang kumakalat na Facebook post tungkol sa diumano’y panggagahasa at pagmamaltrato ng isang stepfather sa biktima na kinilalang si “Michelle B. Sollidad” sa Brgy. Greater Lagro, Quezon City.
Ayon sa ulat, agad na rumesponde ang mga tauhan ng Pasong Putik Police Station 16 sa pamumuno ni PLTCOL Gemmer Tubiera, katuwang ang mga opisyal ng barangay, sa sinasabing lokasyon sa #87 Tres Marias St. noong gabi ng Pebrero 21, 2026.
Gayunpaman, sa isinagawang beripikasyon at house-to-house inquiry, natuklasan na hindi umiiral ang naturang address, hindi kumpirmado ang mga pangalang nabanggit sa post, at walang anumang ebidensya na naganap ang insidente sa nasabing lugar.
Kinumpirma ng QCPD na ang naturang post ay isang fraudulent report na layuning iligaw ang publiko.
Binigyang-diin ng pamunuan ng pulisya na sineseryoso nila ang lahat ng sumbong ng pang-aabuso, lalo na laban sa kababaihan at mga bata, ngunit hinimok ang publiko na maging responsable at huwag magbahagi ng mga unverified posts.
Pinayuhan din ang mga QCitizens na direktang iulat ang mga lehitimong reklamo sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya o sa mga opisyal na channel ng QCPD upang matiyak ang mabilis at tamang aksyon.
