Binigyang-diin ni Bise Presidente Sara Duterte na wala siyang balak maging isang mapaghiganting lider o humanap ng ganti laban sa kaniyang mga kritiko, kahit pa palarin siyang manalo bilang Pangulo sa 2028 national elections.
Sa isang panayam, nilinaw ni Duterte na hindi bahagi ng kaniyang pagkatao at istilo ng pamumuno ang paghihiganti sa kabila ng mga matitinding tunggaliang politikal na kaniyang kinakaharap. “Wala sa ugali ko yung pagiging vindictive, yung gumaganti,” pahayag ng Bise Presidente.
Bilang patunay, binalikan ni Duterte ang kaniyang karanasan bilang alkalde ng Davao City kung saan dumaan siya sa maraming laban sa politika at personal na pagsubok, ngunit kailanman ay hindi niya hinayaang makaapekto ang mga ito sa kaniyang pamamahala. Dagdag pa niya, nang maupo siya bilang Bise Presidente, wala siyang tinanggal na empleyado mula sa tanggapan ng kaniyang hinalinhan na si dating VP Leni Robredo, at hindi rin siya nagbitiw ng anumang kritisismo laban sa mga naging hakbang nito.
Gayunpaman, nilinaw ni Duterte na bagama’t walang puwang ang paghihiganti sa kaniyang liderato, hindi ito nangangahulugang mawawala na ang pananagutan. Iginiit niya na ang mga nagkasala sa bayan ay dapat pa ring harapin ang kaukulang hustisya. “Hindi puwede na walang managot,” aniya.
Matatandaang kamakailan ay pormal nang inihayag ni Duterte ang kaniyang intensyong tumakbo sa pagkapangulo para sa 2028 elections, bagama’t wala pa siyang pinapangalanang opisyal na magiging running mate.
