Nagbitiw na sa puwesto si National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago matapos niyang igiit na may “orchestrated move” umano para dungisan ang kaniyang pangalan dahil sa kaniyang kampanya laban sa mga tiwaling tauhan sa ahensya.
Sa kaniyang liham kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may petsang Agosto 15, pinasalamatan ni Santiago ang Punong Ehekutibo sa pagkakataong mamuno sa pangunahing law enforcement arm ng Department of Justice.
Hindi na idinetalye ni Santiago ang mga partikular na dahilan ng kaniyang pagbibitiw, pero sinabi niyang matagal na siyang tinatarget ng mga paninira.
“Detractors and those who have sinister interest in my position incessantly make moves to blemish my reputation… lies, if repeated over time, will give a semblance of truth,” ani Santiago sa kaniyang resignation letter.
Dagdag pa niya, hindi niya hahayaang tuluyang mantsahan ang kaniyang pangalan kaya’t nag-abot siya ng irrevocable resignation, na magiging epektibo agad kapag may naitalagang kapalit upang hindi maantala ang operasyon ng NBI.
Mula nang italaga siya noong Hunyo 2024, sinabi ni Santiago na agad niyang sinimulan ang paglilinis sa loob ng NBI— kabilang ang pagpapatalsik sa mga scalawag agents at pagbuwag sa Special Task Force. Kabilang din sa mga hakbang ang pagsasagawa ng entrapment operations laban sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno gaya ng pag-aresto kay San Simon, Pampanga Mayor Abundio “JP” Punsalan Jr. at dating Tiwi, Albay Councilor John Bron.
“Firm, loud, clear and devoid of politicizing. Your message last SONA resonates. You will pull a halt to corruption,” ani Santiago na nagpahayag pa rin ng suporta kay Pangulong Marcos Jr. Pinalitan ni Santiago si dating NBI Director Medardo de Lemos na nagretiro noong nakaraang taon.
