HUMIRIT ng pondo si Cainta, Rizal Mayor Keith “Kit” Nieto sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa isang malaking drainage project na layong pahupain ang pagbaha na matagal nang problema ng bayan.
“I am actually requesting the DPWH to fund nung malaking interceptor drainage project natin along Imelda Avenue that would create another outfall para ma-ease up ‘yung volume ng tubig na kailangan dumaan sa loob ng villages para lang makalabas sa Cainta River” pahayag ni Nieto sa panayam ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps nitong Biyernes.
Bukod dito, plano ring magtayo ang LGU ng pump station sa Buli Creek upang mas mapabilis ang pag-agos ng tubig tuwing may malakas na ulan.
Inanunsyo rin ng alkalde na nakatakda ang Flood Summit sa Rizal sa Martes, na dadaluhan ng ilang mambabatas at lokal na opisyal para talakayin at tukuyin ang kongkretong hakbang laban sa perenyal na problema ng pagbaha sa buong probinsya.
“Alam naman namin ang solusyon, pinag-aralan namin ito. Ang kailangan lang ay suporta mula sa national government para maisakatuparan,” dagdag pa ni Nieto.
