Bangkay na nang matagpuan ang isang hindi pa kinikilalang babae sa loob ng isang pribadong compound sa Barangay Santolan, Pasig City, hapon ng Lunes, March 23, 2026.
Ayon sa Pasig City PNP, natuklasan ang labi bandang 1:53 PM sa gitna ng isinasagawang follow-up operation ng Special Investigating Team ng Pasig City Police Station kaugnay ng isang iniulat na nawawalang menor de edad kamakailan.
Ayon sa paunang imbestigasyon, natagpuan ang biktima na nakabitin sa isang puno gamit ang isang puting nylon cord na nakapulupot sa leeg nito.
Bagaman hindi pa pormal na kinikilala, sinabi ng mga awtoridad na ang deskripsyon ng natagpuang bangkay ay tumutugma sa katangian ng iniulat na nawawalang dalagita.
Agad na rumesponde ang Pasig Emergency Unit para sa initial medical assessment, habang ang Eastern Police District (EPD) Forensic Unit naman ang nagsagawa ng teknikal na imbestigasyon sa crime scene.
Isasailalim ang bangkay sa Autopsy upang malaman ang eksaktong sanhi ng pagkamatay at DNA Analysis at Dental Record Check upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng biktima.
Tiniyak naman ng Pasig City Police Station sa publiko na nagsasagawa sila ng masusing imbestigasyon upang mabatid ang tunay na mga pangyayari sa likod ng insidenteng ito at kung may kinalaman ba rito ang iba pang mga indibidwal.
