CAMP VICENTE LIM, Laguna — Sa layuning mas mapatibay ang ugnayan ng kapulisan at ng mga mamamahayag, matagumpay na idinaos ng Police Regional Office (PRO) CALABARZON ang isang “Media Solidarity Night” sa pangunguna ni Acting Regional Director PBGEN Hansel M. Marantan.
Dinaluhan ang nasabing pagtitipon ng mga miyembro ng PaMaMaRiSan-Rizal Press Corps, PRO 4A Press Corps, Camp Vicente Lim Press Corps, at iba pang mga practitioner ng media mula sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon.
Kasama ring nakiisa ang PRO 4A Command Group, Regional Staff, at mga Public Information Officers (PIO) mula sa mga Police Provincial Offices.
Sa kaniyang naging pahayag, naging tapat si PBGEN Marantan sa kaniyang naging karanasan bilang isang beteranong intelligence officer sa loob ng mahigit 20 taon. Aminado ang heneral na noong una ay tila “taboo” o iwas siya sa atensyon ng media dahil sa likas na katangian ng kaniyang trabaho.
“I am not used to being in front of the media. I’m allergic to the media in the past. Not anymore,” aniya, habang binibigyang-diin na marami sa mga naroon ay itinuturing na niyang pamilya dahil sa kaniyang mahabang serbisyo sa CALABARZON.
Ibinahagi rin ni Marantan ang kaniyang mga sakripisyo sa serbisyo, kabilang ang mga tinamong pinsala sa katawan o pagiging “PWD” (Person with Disability) dahil sa mga operasyon, na nagresulta sa pagkakaroon niya ng mga bakal sa buto at spine operations. Sa kabila nito, iginiit niya na ang pulisya at media ay kapwa “proponents of peace” o tagapagtaguyod ng kapayapaan.
Naging tampok sa programa ang isang open forum kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga mamamahayag na magtanong, magbahagi ng saloobin, at talakayin ang mga isyung kinakaharap sa rehiyon.
Binigyang-diin ng regional director ang kahalagahan ng katotohanan sa pagbabalita.
“I am here to tell you the truth. Sometimes truth will not satisfy you at all. But for the media, truth satisfies them,” dagdag pa ni Marantan.
Ang Media Solidarity Night ay nagsilbing plataporma upang masigurado ang mas maayos na daloy ng impormasyon, responsableng pag-uulat, at mas transparent na pamamahala ng kapulisan sa buong CALABARZON tungo sa mas ligtas at maalam na komunidad.
