Nanindigan si Engr. Edgardo D. Castillo, Regional Director ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) IV-A, na ang pagmimina ay isang mahalagang bahagi ng pag-unlad at pamumuhay ng tao, sa kabila ng pansamantalang epekto nito sa kalikasan.
Sa kanyang pahayag, inihambing ni Castillo ang pagmimina sa pagpapatayo ng isang gusali. Ayon sa kanya, ang paggamit sa lupa ay “temporary land use” lamang kung saan natural na magkakaroon ng kaguluhan o pagkasira sa simula, ngunit may kaakibat na rehabilitasyon sa pagtatapos ng proyekto.
“Masakit sa mata” ngunit kailangan Inamin ni Castillo na hindi maiiwasan ang negatibong reaksyon ng publiko dahil sa visual impact ng pagmimina. “Masakit talaga sa mata pag tinignan mo. Ganoon talaga development, mamimili ka lang,” ani Castillo.
Binigyang-diin niya na kailangan ang mga materyales tulad ng bato at buhangin para sa pagpapatayo ng mga bahay at imprastraktura. Aniya, kailangang tanggapin ang “tradeoff” sa pag-unlad dahil kung walang pagmimina, mawawalan ng pagkukunan ng mga pangunahing materyales sa konstruksyon.
Nilinaw ni Castillo na ang operasyon ng mga minahan ay ginagabayan ng pambansang batas at hindi maaaring basta-basta ipatigil nang walang basehan.
Gayunpaman, tiniyak niya na mas mahigpit na ang mga pamantayan ngayon kumpara sa nakaraan.
“Ngayon talaga pag nagmina ka, kailangan masigurado mo na hindi ka nakakaapekto sa environment o kung makapit man ay minimal… Pag lumampas ka sa standard, sinususpinde namin ‘yun,” babala ng direktor.
Dagdag pa niya, malaki na ang ipinagbago ng industriya pagdating sa pagtulong sa komunidad at pagtatanim muli ng mga puno.
