ARESTADO ang 39-anyos na kelot matapos tutukan ng baril at pagbantaang papatayin ang naliligaw na lalaking nagtanong lang ng direksiyon Sabado ng gabi sa Valenzuela City.
Nangyari ang insidente sa bakanteng lote sa Barangay Arkong Bato matapos magtanong ang biktima sa suspek ng tamang daan patungo sa kanyang paroroonan subalit sa halip na tumulong, nagalit pa ang suspek na nauwi sa komprontasyon.
Dito na bumunot ng baril ang suspek at pinagbantaang papatayin ang biktima na sa takot ay kumaripas ng takbo hanggang makahingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa lalaki.
Nakumpiska ng pulisya sa suspek ang hindi lisensiyado at buradong serial number ng kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.
Nahaharap ang suspek sa kasong grave threat at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (JUVY LUCERO)
